Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono Agosto 18, 2021, kay Haji Erywan, Espesyal na Sugo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Myanmar, at Pangalawang Ministro ng Brunei sa mga Suliraning Panlabas, pinapurihan ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ang ambag at suportang ipinagkakaloob ng Brunei bilang Tagapangulong bansa ng ASEAN para sa pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN.
Inaasahan ni Wang na patuloy na patitingkarin ng Brunei ang positibong papel nito para sa pagpapatibay ng ugnayan ng dalawang panig, at paggarantiya sa matagumpay na pagdaraos ng pulong bilang pagdiriwang sa Ika-30 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Pandiyalogo ng Tsina at ASEAN.
Ipinahayag din ni Wang na sa pamamagitan ng mahalagang pagkakataong ito, lalo pang mapapa-unlad ng dalawang panig ang tradisyonal na pagkakaibigan, mapapasulong ang pagtatayo ng “Belt and Road Initiative (BRI),” at makakatulong sa iba’t-ibang panig ng Myanmar upang mahanap ang kalutasang pulitikal sa problemang kinakaharap ng bansa, alinsunod sa tadhana ng konstitusyon.
Samantala, pinasalamatan naman ni Erywan ang tulong-medikal, na ipinagkaloob ng Tsina sa Brunei sa harap ng bagong wave ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Umaasa rin siyang lalo pang mapapalakas ng dalawang panig ang kooperasyon sa enerhiya, agrikutura, pangingisda at iba pang larangan.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio