Setyembre 14, 2021, Kabul – Pinasalamatan ni Amir Khan Muttaqi, Ministrong Panlabas ng Pansamantalang Pamahalaan ng Afghan Taliban, ang tulong na ipinagkaloob ng komunidad ng daigdig para sa Afghanistan.
Aniya, kailangan ng mga Afghan ang tulong, at hindi ito dapat i-ugnay sa isyung pulitikal.
Ang nasabing tulong ay nakatuon sa mga larangang gaya ng edukasyon, kalusugan, refugee at iba pa.
Hinggil dito, nanawagan si Muttaqi sa komunidad ng daigdig, na patuloy na magkaloob ng ayuda para sa mga Afghan.
Umaasa rin siyang babalik sa Afghanistan ang mga tauhang dayuhan upang mag-ambag ng kanilang kakayahan tungo sa pagpapabuti ng kalagayan sa bansa.
“Wala nang digmaan at alitan sa Afghanistan ngayon,” sabi ni Muttaqi, at ipinangako niya ang kaligtasan ng lahat ng tauhang dayuhang nasa bansa.
Samantala, sa Mataas na Pulong Ministeryal kaugnay ng kalagayan ng Afghanistan na idinaos ng United Nations (UN) Setyembre 13, 2021, sa Geneva, ipinanawagan ni Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng UN sa komunidad ng daigdig na tulungan ang Afghanistan para makahulagpos sa kahirapan.
Ayon sa ulat, ipinangako ng iba’t-ibang panig na magkakaloob ng makataong tulong na nagkakahalaga ng mahigit 1 bilyong dolyares.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio