Idinaos Setyembre 28, 2021 sa Beijing, ang 2021 Asia-Pacific Forum on Youth Leadership Innovation And Entrepreneurship.
Nagpalitan ng palagay ang mga kalahok na kabataang mula sa Tsina, Bangladesh, Indonesia, Malaysia, Nepal at iba pang bansa kaugnay ng mga temang kinabibilangan ng pandaigdigang kooperasyon sa bakuna kontra Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), pangangalaga sa kapaligiran, pampublikong kapakanan sa lipunan, pagbangon ng kanayunan, inobasyon ng siyensiya at teknolohiya, at iba pa.
Bilang isa sa serye ng mga aktibidad para sa ika-50 anibersaryo ng pagpapanumbalik sa lehitimong luklukan ng Tsina sa United Nations (UN), layon ng porum na magkakasamang magsikap ang mga kabataan sa rehiyong Asya-Pasipiko para magbigay ng ambag tungo sa pagtatayo ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng rehiyon at buong daigdig.
Ang porum ngayong 2021 ay magkakasamang itinaguyod ng All-China Youth Federation at United Nations Development Programme, at nilahukan ng mahigit 140 kabataang Tsino at dayuhan mula sa 12 bansa ng rehiyong Asya-Pasipiko.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio