Nakatakdang ilunsad sa loob ng kasalukuyang buwan ang kauna-unahang solar observation satellite ng Tsina.
Ito ang winika ni Wang Wei, mananaliksik mula sa Shanghai Academy of Spaceflight Technology, sa idinaraos na Ika-13 Airshow China 2021 sa lunsod Zhuhai, lalawigang Guangdong sa dakong timog ng bansa.
Kasalukuyang nakatanghal sa naturang airshow ang satellite na tinaguriang Chinese H-Alpha Solar Explorer (CHASE).
Ang 550-kilogramong satellite ay magiging kauna-unahang solar telescope ng Tsina na aandar sa sun-synchronous orbit na 517 kilometro sa ibabaw ng Mundo sa loob ng tatlong taon, salaysay ni Wang.
Aniya pa, ibabahagi ng Tsina ang mga datos na makukuha ng naturang satellite sa mga siyentistang dayuhan para sa sama-samang pagsasagawa ng mga pananaliksik at pag-aanalisa hinggil sa Araw.
Salin: Jade
Pulido: Rhio