Ayon sa ulat Oktubre 16, 2021 ni Abdul Hadi Dareez, tagapagbalita ng China Global Television Network (CGTN) ng China Media Group (CMG) sa Afghanistan, mahigpit ang kalagayan ng paglaban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa bansang ito.
Sa kanyang panayam sa mga mamamayan, medikal na tauhan, dalubhasa at iba pang mga kinauukulang tauhan ng Afghanistan, kinakaharap ng mga organong medikal ng bansa ang kakulangan sa materyal na tulad ng gamot.
Bukod dito, hindi rin nababayaran ang suweldo ng mga tauhang medikal, at iba pang problema.
Aniya, nagsisikap ang pansamantalang pamahalaan ng Afghanistan pero nananatiling maigting ang kalagayan sa bansa.
Umabot aniya sa 156 libo ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 at 7,200 ang bilang ng mga pumanaw sapul nang sumiklab ang COVID-19 sa Afghanistan.
Samantala, sapul noong pumasok ang Taliban sa Kabul, kinontrol ng Amerika ang mga ari-arian ng Afghanistan sa ibayong dagat, at itinigil ang tulong galing sa komunidad ng daigdig para hindi makuha ng Taliban ang pondo.
Ang aksyong ito ng Amerika ay grabeng nakaka-apekto sa buhay ng mga Afghan.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio