CMG Komentaryo: Ano ba ang inililihim ng hukbong Amerikano hinggil sa pagbangga ng submarinong nuklear?

2021-11-05 17:09:54  CMG
Share with:

Ayon sa pinakahuling ulat na inilabas ng hukbong pandagat ng Amerika, Lunes, Nobyembre 1, 2021, bumangga ang submarinong nuklear na USS Connecticut sa isang bundok sa ilalim ng dagat o seamount na wala sa mapa at bunsod nito, malubhang nasira ang submarinong Amerikano.

 

Halos isang buwan pagkaraan ng insidente, saka lamang  isinapubliko ng Amerika ang ulat na wala pa ring tugon sa mga tanong na gaya ng intensyon ng operasyon, eksaktong lugar ng pinangyarihan at kung ito’y matatagpuan sa exclusive economic zone o teritoryal na dagat ng anumang bansa, kung nauwi ba ito sa pagtagas na nuklear, at kung naging madumi ba ang kapaligirang pandagat pagkatapos ng insidente sa South China Sea.

 

Dahil dito hindi maiwasan ng komunidad ng daigdig na magtanong kung ano ba ang iniiwasan at inililihim ng panig militar ng Amerika.

 

Beijing 2022 Winter Olympic Games: Pagpapakilala sa ski jumping

 submarinong nuklear na USS Connecticut (file photo)

 

Upang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea at kaligtasan ng pandaigdig na linya ng nabigasyon, dapat sagutin ng  Amerika ang dalawang tanong na ikinababahala ng daigdig.

 

Una, bakit naglayag sa South China Sea ang submarinong nuklear na USS Connecticut ?

 

Nitong ilang taong nakalipas, sa pamamagitan ng mapagbalat-kayong pangangatwiran ng estratehiyang Indo-Pasipiko at kalayaan ng paglalayag, marami’t regular ang isinasagawang aktibidad na militar ng Amerika sa South China Sea. Ayon sa pinakahuling datos, hanggang katapusan ng nagdaang Hulyo, halos pumalo sa 2000  close reconnaissance laban sa Tsina ang isinagawa ng hukbong Amerikano. Layon nitong maghasik ng awayan sa karagatang ito at habiin ang kadahilanan para magpadala ng mas maraming puwersang militar sa Asya-Pasipiko. Ayon sa mga tagapag-analisa, naglayag ang submarinong Connecticut sa South China Sea para lamang magmatyag ng impormasyong militar ng Tsina. Isa pang tanong at duda, ilang beses na pumalaot ang naturang submarinong Amerikano sa South China Sea?

 

Pangalawa, nauwi ba sa pagtagas na nuklear ang insidente?

 

Ayon sa pahayag na inilabas ng panig militar pagkaraan ng insidente, hindi napinsala at maayos na umaandar daw ang nuclear reactor at propulsion system ng submarino. Pero, ipinadala kamakailan ng hukbong Amerikano ang detection aircraft na WC-135W sa South China Sea. Ayon sa ulat ng South China Morning Post, layon ng operasyon ng naturang eroplanong Amerikano na imbestigahan kung may pagtagas na nuklear dahil sa pagsayad ng submarinong Connecticut sa bundok sa ilalim ng dagat. Matatandaang mula 1965 hanggang 1983, umabot sa 233 ang bilang ng malulubhang aksidente ng sandatang nuklear ng Amerika. Bilang bansang may napakasamang rekord ng kaligtasang nuklear, dapat ipakita ng panig Amerika ang ebidensya at ipaliwanag ang hinggil sa kapaligirang pandagat ng pinangyarihan ng insidente.

 

Ang naturang mga hindi pa natugunang tanong ay muling nagpapamalas na ang Amerika ang siyang pinakapangunahing tagapagpinsala sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea. Hinihintay pa ng daigdig ang mga detalyadong sagot mula sa militar na Amerikano.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method