Bilang tugon sa pinakahuling ulat ng hukbong pandagat ng Amerika hinggil sa pagbangga ng submarino nito sa di-matukoy na bagay sa South China Sea, muling hiniling ng Tsina sa panig Amerikano na isapubliko ang mga detalye tungkol sa naturang aksidente.
Ayon sa ulat na inilabas ng Amerika, Lunes, Nobyembre 1, 2021, bumangga ang submarinong nuklear na USS Connecticut sa isang bundok sa ilalim ng dagat na wala sa mapa.
Kaugnay nito, sinabi Martes, Nobyembre 2, ni Wang Wenbin, tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na halos isang linggo pagkaraan ng insidente, saka lamang inilabas ng panig Amerikano ang isang malabong pahayag na nagsasabing ang submarino ay bumangga sa di-matukoy na bagay. Halos isang buwan pagkaraan ng pangyayari, ayon sa panibagong ulat, sumayad daw ang submarino sa bundok sa ilalim ng dagat. Bukod dito, sinadya nitong gamitin ang terminong di-umano’y “pandaigdig na karagatan sa rehiyong Indo-Pasipiko” at wala pang tugon sa mga tanong na gaya ng intensyon ng operasyon, eksaktong lugar ng pinangyarihan at kung ito’y matatagpuan sa exclusive economic zone o teritoryal na dagat ng anumang bansa, kung nauwi ba ito sa pagtagas na nuklear, at kung naging madumi ba ang kapaligirang pandagat pagkatapos ng insidente, dagdag pa ni Wang.
Wang Wenbin
Diin ng tagapagsalitang Tsino, ang naturang mga tanong ay nagdudulot ng pagkabalisa at pagdududa ng lahat. Ipinakikita rin nito ang kawalan ng linaw at responsibilidad ng panig Amerikano.
Hiniling din ni Wang sa Amerika na itigil ang pagpapadala ng mga eroplano at bapor militar para maghasik ng kaguluhan at makapinsala sa soberanong seguridad ng iba pang mga bansa.
Salin: Jade
Pulido: Mac