Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos na nangangako ang kanyang bansa na titiyakin ang kakayahan ng pagtatanggol ng sarili ng Taiwan. Sa kanila namang pagtatagpo ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa sidelines ng G20 Summit sa Italya, noong katapusan ng Oktubre, si Blinken mismo ay nagpahayag na “ang panig Amerikano ay patuloy na mananangan sa prinsipyong isang-Tsina.”
Ang pabagu-bagong pananalita ni Blinken hinggil sa isyu ng Taiwan ay hindi angkop sa kanyang katayuan bilang punong diplomatang Amerikano.
Ang isa sa mga dahilan ng tumitinding kalagayan kamakailan sa Taiwan Strait ay ang pagmamaang-maangan at pakikipagsabwatan ng iilang pulitikong Amerikano sa mga elementong nagtutulak ng di-umano’y pagsasarili ng Taiwan.
Dapat malaman ni Blinken na ang prinsipyong isang-Tsina ay pinagkasunduan, kinikilala at sinusuportahan ng 180 bansa. Ilegal ang di-umano’y Taiwan Relations Act na unilateral na binalangkas ng panig Amerikano. Labag ito sa tatlong magkasanib na komunike ng mga pamahalaan ng Tsina at Amerika.
Maraming beses na ipinagdiinan ng panig Tsino na ang isyu ng Taiwan ay ang pinakamahalaga at pinakasensitibong isyu sa ugnayang Sino-Amerikano. Ang paunang kondisyon ng pagbalik ng relasyong Sino-Amerikano sa malusog at matatag na landas ng pag-unlad ay ang agarang pagtigil ng panig Amerikano sa pakikipag-ugnayan sa Taiwan sa anumang pangangatwirang opisyal.
Matatandaang sa komunike na inilabas ng ika-anim na sesyong plenaryo ng ika-19 na Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), nitong Huwebes, Nobyembre 11, 2021, inulit ng Tsina ang pananangan sa prinsipyong isang-Tsina, pagtutol sa pagsasarili ng Taiwan at pagtutol sa pakikialam ng puwersang dayuhan.
Kailangang mapagtanto nina Blinken ang buong-tatag na resolusyon at determinasyon ng Tsina para mapangalagaan ang soberanya ng bansa. Ang anumang tangkang hamunin ang prinsipyong isang-Tsina at hadlangan ang tunguhin ng mapayapang reunipikasyon ng Tsina ay tiyak na mabibigo.
Salin: Jade
Pulido: Mac