Ayon sa ulat na inilabas kamakailan ng kilalang pollster na Afrobarometer ng Aprika, nangunguna ang impluwensiya ng Tsina sa Aprika.
Kaugnay nito, sinabi kahapon, Nobyembre 22, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang esensya ng kooperasyong Sino-Aprikano ay mutuwal na kapakinabangan at win-win results, at winewelkam ito ng mga bansang Aprikano.
Ipinakikita ng naturang ulat na palagay ng 63% ng Aprikanong respondents na “napakapositibo” o “bahagyang positibo” ang impluwensiya ng Tsina sa pulitika at kabuhayan ng kani-kanilang bansa. Ipinalalagay naman ng 66% ng respondents na positibo ang impluwensiya ng Tsina sa pulitika at kabuhayan ng Aprika.
Tinukoy ni Zhao na ang Tsina ay nananatiling pinakamalaking trade parter ng Aprika nitong nakalipas na 12 taong singkad. Sa aspekto ng imprastruktura, ang Aprika ay ika-2 pinakamalaking pamilihan ng overseas contract projects ng Tsina.
Dagdag niya, sapul nang itatag ang Forum on China-Africa Cooperation, lampas sa 10,000 kilometro ang kabuuang haba ng daambakal na bagong itinatag at ini-upgrade ng mga kompanyang Tsino para sa Aprika, halos 100,000 kilometro naman ang kabuuang haba ng lansangan, at mahigit 4.5 milyong ang kabuuang bilang ng mga nilikhang puwesto ng hanap-buhay.
Saad ni Zhao, nananangan ang Tsina na dapat igalang ng lahat ng mga bansang nagsasagawa ng pagpapalitan at pagtutulungan sa Aprika ang pagpili ng mga mamamayang Aprikano, pakinggan ang pananaw ng mga kaibigang Aprikano, at patingkarin ang konstruktibong papel para sa pagbangon ng kabuhayan at pag-unlad ng Aprika.
Salin: Vera
Pulido: Mac