Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, mula Enero hanggang Oktubre, 2021, umabot sa 11.33 milyon ang bilang ng bagong likhang trabaho sa mga lunsod ng bansa. Bunga nito, maagang naisakatuparan ang target para sa trabaho sa taong ito.
Ayon din sa datos, 4.9% ang surveyed urban unemployment rate ng Tsina, na mas mababa ng 0.4% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2020.
Ang surveyed urban unemployment rate ay kinakalkula batay sa bilang ng mga taong walang trabaho na lumahok sa employment survey sa mga lunsod, at kabilang dito ang mga migrant workers sa mga siyudad.
Anang naturang kawanihan ng Tsina, bunga ng patuloy na pinaiiral na mga patakaran at alituntunin para patatagin ang hanap-buhay, matibay sa kabuuan ang situwasyon ng pagtatrabaho sa bansa.
Kabilang sa mga pangunahing patakaran ay pagbabawas ng buwis at bayarin ng mga market entities para maiwasan ang pagkawala ng trabaho. Kasabay nito, ipinapatupad ng bansa ang employment-first policy para suportahan ang paghahanap-buhay ng mga pangunahing grupo na gaya ng mga nagtapos sa pamantasan, beterano at migranteng manggagawa.
Inilabas ng pamahalaang Tsino ang plano ngayong taon hinggil sa pagpapasulong ng empleo ng bansa para sa Ika-14 na Panlimahang Taong Plano (2021-2025). Alinsunod dito, 55 milyong bagong trabahong urban ang lilikhain ng bansa sa loob ng susunod na limang taon.
Salin: Jade
Pulido: Mac