Ipinahayag ng Tsina ang kahandaan na makipagtulungan sa World Bank (WB) para mapalakas ang bilateral na pagtutulungan at katigan ang multilateralismo at pandaigdig na kaunlaran sa pamamagitan ng konkretong aksyon.
Sa kanyang pakikipag-usap kay David Malpass, Presidente ng WB, nitong Lunes, Disyembre 13, 2021, sa pamamagitan ng video link, ipinahayag din ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang pagsuporta ng bansa sa negosasyon ng Ika-20 International Development Association (IDA) hinggil sa pagdaragdag ng pondo nito.
Sina Premyer Li Keqiang ng Tsina (kaliwa) at Presidente David Malpass ng WB
Ipinahayag naman ni Malpass ang pagkilala sa mainam na kooperasyon sa pagitan ng WB at Tsina. Umaasa aniya siyang mapapalakas ng magkabilang panig ang kanilang partnership sa mga larangang gaya ng pagpapautang, pagpapahupa ng karalitaan, pagbabago ng klima at iba pa.
Kinikilala rin ni Malpass ang matatag na pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina.
Kaugnay nito, salaysay ni Li, gagawing priyoridad ng Tsina ang katatagan sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng bansa sa taong 2022, at kasabay nito, isasakatuparan ang paglaki ng ekonomiya, sa pamamagitan ng pagsasaayos ng ekonomikong estruktura at pagpapasulong ng repormang pangkabuhayan. Sa kabila ng mga bagong pababang presyur, magagawa ng Tsina ang mga taunang mithiing pangkabuhayan sa 2022, diin ng premyer Tsino.
Salin: Jade
Pulido: Mac