Kaugnay ng malubhang kasuwalti at kapinsalaan sa ari-arian na dulot ng bagyong Odette, isinalaysay kahapon, Disyembre 22, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na ipinagkaloob ng pamahalaang Tsino sa pamahalaang Pilipino ang pangkagipitang saklolo na kinabibilangan ng ng $USD1 milyon bilang tulong sa relief works at rekontruksyon ng mga lugar na apektado sa Pilipinas.
Saad ni Zhao, ipinaabot nitong Martes ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pakikiramay kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ipinahayag aniya ni Xi ang malalim na kalungkutan sa mga nasawi sa sakuna at taos-pusong pakikiramay sa kanilang mga kamag-anakan, at mataimtim na pangungumusta sa mga nasugatan at mga apektadong mamamayan.
Nakahanda aniya ang Tsina na damayan at tulungan ang Pilipinas sa abot ng makakaya.
Samantala, 20,000 food package na nagkakahalaga ng mga 8 milyong piso ang inihanda rin ng pasuguang Tsino sa Pilipinas.
Bukod pa riyan, mahigit 4.7 milyong kilong bigas na kaloob ng pamahalaang Tsino ang inihatid o inihahatid sa mga nasalantang lugar.
Ani Zhao, nananalig ang panig Tsino na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte at ng pamahalaang Pilipino, tiyak na mapagtatagumpayan ng mga mamamayang Pilipino ang kapahamakan, at muling maitatayo ang mga tahanan sa lalong madaling panahon.
Ayon sa pinakahuling balita, aktibong ipinagkakaloob ng Red Cross Society ng Tsina at mga pamahalaang lokal ng bansa ang saklolo sa Pilipinas.
Salin: Vera
Pulido: Rhio