Pangulong Xi nakidalamhati sa mga Pilipino, relief goods ng Tsina ipinadala

2021-12-21 18:11:46  CMG
Share with:

Xi, nakiramay kay Duterte kaugnay ng pananalanta ng bagyong Odette_fororder_VCG111362545779

 

Kaugnay ng pananalasa ng bagyong Odette sa Pilipinas, ipinaabot ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pakikiramay kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas, ngayong araw, Disyembre 21, 2021.

 

Sa kanyang mensahe, ani Xi, lubos niyang ikinagulat at ikinalungkot ang malaking kasuwalti at kapinsalaan sa ari-arian na dulot ng bagyong Odette, na may international name na Rai.

 

Saad ni Xi, sa ngalan ng pamahalaan, mga mamamayan ng Tsina at kaniyang sarili, ipinahayag niya ang malalim na kalungkutan sa mga nasawi sa sakuna at taos-pusong pakikiramay sa kanilang mga kamag-anakan, at mataimtim na pangungumusta sa mga nasugatan at mga apektadong mamamayan.

 

Nakahanda aniya ang Tsina na damayan at tulungan ang Pilipinas sa abot ng makakaya. Umaasa aniya siyang malalampasan ng mga apektadong Pilipino ang kalamidad at muling maitatayo ang kani-kanilang mga bahay sa lalong madaling panahon.

 

Ipinahayag din ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang pakikiramay kay Kalihim Teodoro Locsin ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) ng Pilipinas. 

 

Sa kaugnay na ulat, 4.725 milyong kilo ng bigas na kaloob ng pamahalaang Tsino ang nakarating na sa iba’t ibang danguan ng Pilipinas. Kabilang dito, 1.5 milyong kilo ang ipinadala na sa Cebu samantalang nasa Maynila ang ibang 3.225 milyong kilo na kasalukuyang pangkagapitang inihahatid sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.

 

Ito ang ipinahayag ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas ngayong araw, Disyembre 21, 2021, sa kanyang post sa Facebook.

 

Bilang pangkagipitang tulong, 20,000 food packages na nagkakahalaga ng mga 8 milyong piso ang inihanda ng pasuguang Tsino. Ang bawat package ay naglalaman ng 5 kilo ng bigas, 10  de-lata, at 10 pakete ng noodles. Ipinapadala na ngayon ang naturang mga package sa Cebu, Leyte, Negros Occidental, Bohol, Cagayan de Oro City, Surigao City, Negros Oriental, at iba pang mga apektadong lugar, dagdag pa ng sugong Tsino.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac

Please select the login method