Buong pagkakaisang pinagtibay nitong Nobyembre 22, 2021 ng United Nations Security Council (UNSC) ang resolusyon ukol sa isyu ng makataong pagtulong sa Afghanistan.
Kaugnay nito, inihayag kahapon ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na kinakatigan ng panig Tsino ang pagpapatingkad ng UN ng mas malaking koordinadong papel sa nabanggit na isyu.
Nananawagan aniya ang panig Tsino sa lahat ng mga partner ng komunidad ng daigdig na pag-ibayuhin ang pagbibigay-saklolo sa Afghanistan.
Isinalaysay ni Zhao na sa proseso ng negosasyon ng naturang resolusyon, sinadyang inilagay ng ilang kasapi ng UNSC ang limitasyon at pasubali sa pagkakaloob ng makataong saklolo sa Afghanistan, bagay na lumayo sa inisyal na layunin.
Aniya, sa mula’t mula pa’y ipinalalagay ng panig Tsino na sa ilalim ng anumang kondisyon, wala dapat karagdagang pasubaling pulitikal ang makataong saklolo, at hindi din dapat ito isapulitika.
Diin ni Zhao, may pananagutan ang mga kaukulang bansa ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa kasalukuyang kalagayan ng Afghanistan. Dapat mataimtim nitong pagsisihan ang sariling mga kilos, alisin sa lalong madaling panahon ang pag-freeze sa assets ng Afghanistan sa ibayong dagat, at magpunyagi, kasama ng komunidad ng daigdig, para tulungan ang Afghanistan na panumbalikin ang kabuhayan at kaunlaran, at pahupain ang kahirapang kinakaharap ng mga mamamayang Afghan.
Salin: Vera
Pulido: Mac
Pagresolba ng makataong krisis sa Afghanistan, ipinanawagan ng IOC sa komunidad ng daigdig
Pag-i-isyu ng Visa ng pansamantalang pamahalaang Afghan, mapapanumbalik
Makataong tulong na donasyon ng Tsina, dumating ng Afghanistan
Afghanistan, handang panatilihin ang mapagkaibigang relasyon sa lahat ng bansa