Sa ika-7 pagpapalitang pangkaibigan sa usapin ng tanggulang bansa ng Tsina at Biyetnam na idinaos Abril 23, 2022, ipinahayag ni Wei Fenghe, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang bansa ng Tsina, na sa patnubay nina Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at kanyang counterpart na si Nguyễn Phú Trọng ng Biyetnam, walang humpay na pinapaunlad ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Aniya, dapat panatilihin ng mga hukbo ng Tsina at Biyetnam ang estratehikong pagpapalitan sa mataas na antas, at palakasin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, para magkakasamang mapangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng purok-panghanggahan ng dalawang bansa, at mapanatiling matatag ang kalagayan ng South China Sea.
Samantala, ipinahayag ni Phan Van Giang, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Biyetnam, na ang kooperasyon sa usapin ng tanggulang bansa ay mahalagang pundasyon ng komprehensibong estratehikong partnership ng Biyetnam at Tsina.
Nakahanda aniyang magsikap ang Biyetnam, kasama ng Tsina, para magbigay ng bagong ambag sa pangangalaga ng kapayapaan sa purok-panghanggahan, at pagpapasulong ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio