FM ng Tsina at Biyetnam, nag-usap sa telepono

2022-04-15 16:43:26  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono nitong Abril 14, 2022, kay Bui Thanh Son, Ministrong Panlabas ng Biyetnam, sinabi ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na ipinatalastas ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagbibigay ng 150 milyong dosis na bakuna kontra COVID-19 sa mga bansang ASEAN sa loob ng taong ito.

 

Si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina (file photo)


Aniya, nakahanda ang Tsina na patuloy na ipagkaloob ang tulong sa Biyetnam sa pagkontrol sa COVID-19 na kinabibilangan ng mga bakuna, materyal na medikal, gamot at iba pa.

 

Ipinahayag din ni Wang na ang taong 2022 ay ika-20 anibersaryo ng paglagda ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Sa pamamagitan ng pagkakataong ito, dapat marating ng iba't ibang kinauukulang panig ang pagkakasundo hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea (COC) sa lalong madaling panahon, para ipagkaloob ang matibay na garantiya para sa pangmalayuang katatagan sa South China Sea, at umaasa ang Tsina na patitingkarin ng Biyetnam ang positibo at konstruktibong papel para rito.

 

Samantala, ipinahayag ni Bui Thanh Son na nakahanda na palakasin ng Biyetnam ang estratehikong pakikipagkoordinasyon sa Tsina, patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal ng isa't isa, pagpapalalim ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, pasulungin ang walang humpay na pag-unlad ng estratehikong partnership ng dalawang bansa.

 

Aniya pa, umaasa ang Biyetnam na matatamo ang aktuwal na progreso ng tatlong maritime working groups ng dalawang panig, at pasusulungin ang demarkasyon ng karagatan sa bukana ng Beibu Gulf.

 

Salin:Sarah

Pulido:Mac