CMG Komentaryo: Daigdig, dapat mag-ingat sa ilang pulitikong Hapones na pabor sa militarismo

2022-05-08 12:53:16  CRI
Share with:

Ang kasalukuyang taon ay ika-75 anibersaryo ng Konstitusyong Pangkapayapaan o Peace Constitution ng Hapon.


Ngunit, batay sa ilang hakbang kamakailan ng ilang politikong Hapones, mukhang tumataliwas ang bansa sa landas ng kapayapaan.


Madalas nilang sinusulsulan ang mga bantang panlabas upang maalis ang ibinibigay na limitasyon ng kanilang konstitusyon, at magkaroon ng karapatang makipagdigma sa iba.


Kaugnay ng mapanganib na senyal na ito, hinggil sa militarismo, dapat mag-ingat ang komunidad ng daigdig.


Makaraang komprehensibong matalo ang Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, 75 taon na ang nakararaan, isinapubliko nito ang bagong post-war constitution.


Kabilang dito, malinaw na nakatadhana sa ika-9 na probisyon na hindi kailanman maaaring maglunsad ng digmaan ang Hapon at hindi rin ito puwedeng gumamit ng bantang militar sa paglutas ng anumang hidwaang pandaigdig.


Upang maisakatuparan ang hangaring ito, ipinagbabawal ang pagkakaroon ng Hapon ng hukbong panlupa, pandagat at panghimpapawid, at iba pang puwersang pandigma.


Bukod dito, wala ring karapatan ang Hapon na makipagdigma.


Sa mahabang panahon pagkatapos ng WWII, dahil sa isinagawang pasipismo ng Hapon, nakuha nito ang tiwala ng mga bansang Asyano at matatag na umunlad ang kabuhayan nito.


Ngunit mula dekada 90 hanggang sa kasalukuyan, na-udlot ang pag-unlad ng kabuhayang Hapones.


Pero sa halip na isagawa ng pamahalaang Hapones ang repormang pulitikal at inobasyong pangkabuhayan, tinatangka nitong ilunsad ang pakikipaglaban sa iba at nakikisangkot sa mga giyerang pandaigdig upang ilipat ang kagalit ng mga mamamayang Hapones sa iba at lutasin ang mga kontradiksyong panloob.


Dahil sa limitasyon ng konstitusyong pangkapayapaan, nais ng pamahalaang Hapones na susugan ito.


Isinumite kamakailan ni Punong Ministro Fumio Kishida ng Hapon ang mungkahi tungkol sa pagsusog sa patakarang panlabas at pandepensa ng bansa.


Iniharap niyang dapat panatilihin ng Hapon ang kakayahan ng paglulunsad ng ganting-salakay sa kaaway, at dapat ding itaas ang badyet na pandepensa sa halagang katumbas ng mahigit 2% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.


Sa katatapos na biyahe ni Fumio Kishida sa 6 na bansa, naging maingat ang reaksyon ng maraming bansang Asyano sa isinusulsol niyang bantang panlabas.


Ito'y nagpapahiwatig ng lubos na pagmamahal ng mga bansang Asyano sa di madaling natamong kapayapaan.


Dapat pakinggan ng pamahalaang Hapones ang panawagan ng mga mamamayang katig sa kapayapaan mula sa loob at labas ng bansa, malalim na pag-aralan ang mga aral na historikal, at patuloy na tahakin ang landas tungo sa mapayapang pag-unlad.


Salin: Lito

Pulido: Rhio