Sa kanyang pangungulo sa video conference ng mga ministrong panlabas ng BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) nitong Huwebes, Mayo 19, 2022, sinabi ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang Global Security Initiative na iniharap ni Pangulong Xi Jinping sa Boao Forum for Asia nitong Abril ay nagbibigay-patnubay para sa pagresolba sa peace deficit at mga problemang kinakaharap ng pandaigdigang seguridad.
Aniya, di-maisasagawa ang paghangad ng “lubusang seguridad’ at “eksklusibong seguridad.”
Ipinagdiinan niyang dapat panaigan ng mga bansa ang you-lose-I-win Cold War mentality, igalang at igarantiya ang seguridad ng bawat bansa.
Saad ni Wang, dapat ipatupad ng mga bansa ang tunay na multilateralismo, at tutulan ang iba’t ibang uri ng unilateral na sangsyon at "long-arm jurisdiction."
Ipinalalagay ng mga kalahok na ministro na nasa masusing punto ng pagbabagong historikal ang kasalukuyang daigdig, at higit kailanman nagiging mas mahalaga ang pagpapalakas ng mga bansang BRICS ng pagkakaisa at pagtutulungan.
Diin nila, dapat igiit ang multilateralismo, ipagtanggol ang simulain ng pandaigdigang batas at Karta ng United Nations (UN), pasulungin ang reporma ng global governance system, at buuin ang mas makatarungan, makatwiran, at inklusibong kayariang pandaigdig.
Salin: Vera
Pulido: Mac