Pagdalaw ng UN human rights chief sa Tsina, mabunga

2022-05-29 13:11:34  CRI
Share with:

Inilahad Sabado, Mayo 28, 2022, ni Ma Zhaoxu, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, ang kaukulang kalagayan ng pagbisita sa Tsina ni United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet na ginanap noong huling dako ng kasalukuyang Mayo.

 

Ipinahayag ni Ma, na sa paanyaya ng pamahalaang Tsino, bumisita ang nasabing opisyal ng UN sa Tsina mula noong Mayo 23 hanggang 28.

 

Ito aniya ang kanyang unang biyahe sa Tsina sapul nang manungkulan siya bilang UN High Commissioner for Human Rights.

 

Sa pamamagitan ng video, kinatagpo aniya noong Mayo 25 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina si Bachelet, at personal ding nakipagkita sa kanya si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.

 

Ani Ma, sa diwa ng paggagalangan sa isa’t-isa at matapat na pakikitungo, nagkaroon ng malawak at malalim na pagpapalitan ang kapuwa panig.

 

Sinabi niya na komprehensibo’t malalim na inilahad ng panig Tsino ang landas, ideya, at natamong progreso ng Tsina sa pag-unlad ng karapatang pantao.

 

Nagpalitan din sila ng kuru-kuro tungkol sa pagsasa-ayos ng karapatang pantao sa buong daigdig, multilateral na gawain ng karapatang pantao, at iba pang mga isyung kapuwa nila pinahahalagahan.

 

Diin ni Ma, dahil sa magkasamang pagsisikap ng dalawang panig, natamo ng nasabing biyahe ang pragmatikong bunga na kinabibilangan ng una, paglalim ng pagkaunawa ng iba sa landas ng pagpapaunlad ng karapatang pantao ng Tsina; ikalawa, nailahad ang paninindigang Tsino sa pagpapasulong ng pagsasa-ayos sa karapatang pantao sa buong daigdig; ikatlo, paglakas ng kooperasyon ng Tsina at Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR); at ika-apat, naipakita ang  tunay na Xinjiang.

 

Ipinagdiinan pa ni Ma na patuloy at buong tatag na tatahakin ng Tsina ang landas ng pag-unlad ng karapatang pantao na angkop sa sariling kalagayang pang-estado.

 

Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap kasama ng iba’t-ibang panig na kinabibilangan ng OHCHR, upang magkakasamang mapasulong ang malusog na pag-unlad ng pandaigdigang usapin ng karapatang pantao at ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng sangkatauhan.


Salin: Lito

Pulido: Rhio