Sa kanyang talumpati Hunyo 12, 2022 sa Ika-19 na Shangri-La Dialogue sa Singapore, ipinahayag ni Wei Fenghe, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na kasalukuyang nasa mahalagang yugto ang relasyong Sino-Amerikano.
Ipinalalagay aniya ng panig Tsino na ang matatag na pag-unlad ng relasyong ito ay angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa at buong daigdig.
Ani Wei, bilang mahalagang malaking bansa sa daigdig, ang mapayapang pag-unlad ng daigdig ay hindi maihihiwalay sa kooperasyong Sino-Amerikano.
Walang anumang kabutihang maidudulot ang komprontasyon ng dalawang bansa sa buong mundo, saad niya.
Iniharap din ni Wei ang 4 na kahilingan sa panig Amerikano na kinabibilangan ng una, huwag atakehin at dungisan ang Tsina; ikalawa, huwag pigilin ang pag-unlad ng Tsina; ikatlo, huwag panghimasukan ang mga suliraning panloob ng Tsina; ikaapat, huwag pinsalain ang kapakanan ng Tsina.
Diin niya, upang mapabuti ang relasyong Sino-Amerikano, dapat isagawa ng panig Amerikano ang naturang 4 na kahilingan.
Salin: Lito
Pulido: Rhio