Naglakbay-suri kahapon, Hulyo 1, 2022, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa garison ng People's Liberation Army (PLA) sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR).
Ipinahayag ni Xi ang taos-pusong pangungumusta sa lahat ng mga tauhan sa naturang garison.
Sinabi niyang, nitong 25 taong nakalipas, buong sikap na ipinapatupad ng naturang garison ang patakarang Isang Bansa Dalawang Sistema, Saligang Batas ng HKSAR, at Batas sa Paggarison sa HKSAR.
Hinahangaan niya ang naturang garison sa buong husay na pagsasakatuparan ng iba’t ibang tungkuling pandepensa, lalung-lalo na sa panahon ng transisyon nitong ilang taong nakalipas mula kaguluhan tungo sa kaayusan ng Hong Kong.
Binigyang-diin din ni Xi, na sa kasalukuyan, ang Hong Kong ay nasa masusing yugto ng pagbabago mula kaayusan patungo sa kasaganaan. Hiniling niya sa naturang garison na ibayo pang palakasin ang kakayahan sa pagsasabalikat ng mga tungkulin, para gawin ang mas malaking ambag sa pangangalaga sa pambansang seguridad, pagpapanatili ng pangmatagalang kasaganaan at katatagan sa Hong Kong, at patuloy na pagpapatupad ng Isang Bansa Dalawang Sistema.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos