Isang mensahe ang ipinadala Hulyo 1, 2022 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina kay Enrique Manalo bilang pagbati sa kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas.
Ipinahayag ni Wang na sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng mga pamahalaan ng Tsina at Pilipinas, tumitibay ang relasyong Sino-Pilipino, walang humpay na tumataas ang pagtitiwalaang pulitikal, at lumalalim ang pragmatikong kooperasyon.
Ito aniya ay nakakapaghatid ng aktuwal na kapakanan sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at nagbibigay ng positibong ambag sa kapayapaan at katatagan sa rehiyong Timogsilangang Asya.
Nakahanda aniya siyang itatag ang mabuting pantrabahong relasyon kay Manalo, para ibayo pang mapalakas ang estratehikong ugnayan, mapalalim ang bilateral na kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, at makapagbigay ng ambag sa pagtatayo ng bagong “ginintuang panahon” ng relasyong Sino-Pilipino.
Salin: Lito
Pulido: Rhio