Nagtagpo kahapon, Hulyo 7, 2022, sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Ministrong Panlabas ng Rusya na si Sergey Lavrov, sa sidelines ng pulong ng mga Ministrong Panlabas ng G20 sa Bali, Indonesia.
Sa pagtagpo, ipinahayag ni Wang na pinupuri ng Tsina ang Rusya sa aktibo nitong paglahok sa serye ng pulong ng mga lider ng BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa), at sa ibinigay na ambag para sa mga ahenda ng mga pulong.
Ani Wang, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng iba’t ibang panig na kinabibilangan ng Rusya, para isakatuparan ang mahalagang bunga ng mga pulong, pabilisin ang 2030 Agenda for Sustainable Development ng United Nations, mapangalagaan ang komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa, at mapangalagaan ang pagkakapantay-pantay at katarungan ng daigdig.
Sinabi pa ni Wang na ang pagtutuol sa hegemonya at unilateralismo ay komong mithiin ng mga umuunlad na bansa. Nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng iba’t ibang panig, para isakatuparan ang Global Security Initiative na inilahad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina at itaguyod ang konsepto ng komon, komprehensibo, kooperatibo, at sustenableng seguridad.
Bukod dito, nagpalitan ang dalawang panig ng kuru-kuro hinggil sa kalagayan ng Ukraine. Isinalaysay ni Lavrov ang paninindigan ng Rusya. Ipinahayag ni Wang na patuloy na nananangan ang Tsina sa walang kinikilingan at makatuwirang paninindigan, susuportahan ang lahat ng pagsisikap na makabubuti sa mapayapang paglutas ng krisis na ito.
Salin:Sarah
Pulido:Mac