Nakipagtagpo nitong Hulyo 11, 2022, sa Jakarta, si Pangulong Joko Widodo ng Indonesiya kay Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Pinasalamatan ni Widodo ang suporta ng Tsina sa Indonesiya, na nanunungkulan bilang tagapangulong bansa ng G20. Lubos na pinahahalagahan niya ang positibong bunga na natamo sa Ikalawang Pulong ng Mekanismo ng Diyalogo at Kooperasyon sa Mataas na Antas ng Tsina at Indonesiya. Umaasa siyang patuloy na palalalimin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa kabuhayan at kalakalan, pamumuhunan, at iba pang larangan.
Bukod dito, ipinahayag din ni Widodo na dapat pabilisin ang mga pangunahing proyekto ng dalawang bansa na tulad ng Jakarta-Bandung High-Speed Railway. Malugod na tinatanggap ng Indonesiya ang mas maraming kompanyang Tsino na mamuhunan sa bansa.
Samantala, pinuri ni Wang ang mabuting gawain ng Indonesiya sa pagtataguyod ng Summit ng mga Lider ng G20, at sinabing susuportahan ng Tsina ang Indonesiya sa magkakasamang pagbibigay ng ambag para sa pagbangon ng buong daigdig.
Ipinahayag din ni Wang na dapat lalo pang palalimin ng dalawang bansa ang aktuwal na kooperasyon sa iba’t ibang larangan, at paunlarin ang mga bagong punto ng paglalaki ng kabuhayan na tulad ng berdeng pag-unlad at iba pa.
Salin:Sarah
Pulido:Mac