Ipinalabas kamakailan ng “Arab Barometer” ang dalawang ulat ng imbestigasyon na nagsasabing kasalukuyang nawawala ang kompiyansa ng nakakaraming mamamayang Arabe sa bisa ng sistema ng kanluraning demokrasya. Samantala, lumalakas ng lumalakas ang pang-akit ng modelong demokratiko ng Tsina.
Saklaw ng nasabing imbestigasyon ang 9 na bansang kinabibilangan ng Morocco, Tunis, Iraq, Sudan, Libya, Jordan, Lebanon, Mauritania, at Palestina, maging 23,000 ang bilang ng mga interviewees.
Batay dito, magkahiwalay na ipinalabas noong unang dako ng kasalukuyang buwan sa opisyal na website nito ang nasabing 2 ulat ng imbestigasyong kinabibilangan ng “Demokrasya sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika” at “Opinyong Publiko sa Kompetisyon ng Tsina at Amerika sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.”
Ulat ng “Demokrasya sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika”
Tinukoy ng ulat ng “Demokrasya sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika” na nitong sampung taon, partikular nitong limang taong nakalipas, lumalaki ang pagdududa ng mga mamamayang Arabe sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika sa kabutihan ng demokrasyang may istilong kanluranin.
Ipinalalagay ng parami nang paraming mamamayan nila na ang demokratikong sistema sa kanluran ay hindi nakakatulong sa pagpapabangon ng kabuhayan, paggarantiya sa kaayusang panlipunan, at pagpapabuti ng pangangasiwa ng pamahalaan.
Ulat ng “Opinyong Publiko sa Kompetisyon ng Tsina at Amerika sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika”
Sa ulat naman ng “Opinyong Publiko sa Kompetisyon ng Tsina at Amerika sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika,” tinukoy nito na sa pamamagitan ng “Belt and Road” Initiative, napapalakas ng Tsina ang pakikipag-ugnayan sa lugar.
Ngunit, patuloy na binabawasan ng Amerika ang gastos sa lugar at inililipat ang sentro ng estratehiya nito sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Kaya, maliban sa Morocco, nagiging mas popular ang Tsina kaysa Amerika sa naturang 9 na bansa kung saan isinagawa ang imbestigasyon.
Sa 8 bansa, di-kukulangin sa 1/3 interviewees ang may palagay na ang Amerika ay grabeng hamon sa kabuhayan.
Bukod pa riyan, ipinalalagay ng mga naturang bansa na ang ibinibigay na tulong ng Amerika sa kanila ay naglalayong makamit ang impluwensiya nito sa kanilang bansa.
Datos ng popularidad ng Tsina at Amerika mula sa “Opinyong Publiko sa Kompetisyon ng Tsina at Amerika sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika”
Ipinakikita ng ulat na dahil sa di mabisa ang demokratikong sistemang kanluranin, hamong ekonomiko ng Amerika sa lokalidad, di magandang prospek ng pag-unlad ng kabuhayang lokal, at iba pang elemento, hinahanap ng mga mamamayang Arabe ang ibang mga sistemang pulitikal na gaya ng modelong Tsino.
Sinabi ni Michael Robbins, may-akda ng naturang ulat at propesor ng Princeton University ng Amerika, na nitong 40 taong nakalipas, nai-ahon ng modelong Tsino ang napakalaking mahirap na populasyon nito.
“Nasasabik ang napakaraming tao sa ganitong napakabilis na pag-unlad ng kabuhayan,” saad ni propesor Robbins
Dagdag pa niya, dahil ang Tsina ay hindi isang colonial state, at hindi ito direktang nanghimasok sa mga suliranin ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, posibleng magiging mas popular ang Tsina kaysa Amerika sa hinaharap.
Ang Arab Barometer ay isang nonpartisan research network na nagkakaloob ng opinyon tungol sa sektor na panlipunan, pulitikal, ekonomiko, at palagay ng mga karaniwang sibilyan sa mundong Arabe.
Salin: Lito
Pulido: Mac