MFA ng Tsina: Isasagawa ang katugong hakbangin kung pupunta si Nancy Pelosi sa Taiwan

2022-07-22 13:41:42  CMG
Share with:

Kaugnay ng planong pagdalaw sa Taiwan sa susunod na buwan ni Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Amerika, ipinahayag nitong Huwebes, Hulyo 21, 2022 ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas (MFA) ng Tsina, na kung talagang ipipilit ang pagdalaw ni Ispiker Pelosi sa Taiwan, siguradong isasagawa ng panig Tsino ang mga katugong hakbangin.


Idiniin ni Wang na ipinaliwanag na nang maraming beses ng Tsina ang solemnang paninindigan sa pagtutol sa pagdalaw ni Pelosi sa Taiwan. Sinabi ni Wang na dapat sundin ng kongreso ng Amerika ang pangako ng bansang ito sa isyu ng Taiwan na huwag suportahan ang pagsasarili ng Taiwan.


Ayon pa kay Wang, kung dadalaw si Pelosi sa Taiwan, ito ay malubhang paglabag sa prinsipyong isang Tsina at regulasyon ng Tatlong Magkasanib na Komunike ng Tsina at Amerika.


Ito rin aniya ay malubhang makakapinsala sa pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Amerikano at magpapadala ng napakamaling signal sa separatistang puwersa ng "pagsasarili ng Taiwan".


Salin: Ernest

Pulido: Mac