Isang mensahe ang ipinadala nitong Biyernes, Hulyo 22, 2022 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Ranil Wickremesinghe bilang pagbati sa kanyang panunungkulan bilang Presidente ng Sri Lanka.
Tinukoy ni Xi na magkapitbansa ang Tsina at Sri Lanka. Nitong 65 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Sri Lanka, isinusulong aniya ng dalawang bansa ang kanilang bilateral na relasyon sa pundasyon ng paggagalangan sa isa’t-isa, pagkakapantay-pantay, at may mutuwal na kapakinabangan. Matapos sumiklab ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nagtutulungan ang dalawang bansa, at itinaas ang lebel ng kanilang tradisyonal na pagkakaibigan, ani Xi.
Ipinagdiinan ni Pangulong Xi ang pananalig na sa pamumuno ni Pangulong Wickremesinghe, tiyak na mapagtatagumpayan ng Sri Lanka ang pansamantalang kahirapan at mapapasulong ang pagbangon ng pambansang kabuhayan.
Lubos na pinahahalagahan ni Xi ang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Sri Lanka. Nakahanda ang panig Tsino na magkaloob ng suporta at tulong hangga’t makakaya, kay Pangulong Wickremesinghe at mga mamamayan ng Sri Lanka, dagdag ng Pangulong Tsino.
Salin: Lito
Pulido: Mac