Sa pamamagitan ng video link, dumalo si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng simposyum bilang paggunita sa Ika-20 Anibersaryo ng Pagkakalagda ng Declaration on the Conduct (DOC) of Parties in the South China Sea.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Wang na ang DOC ay ang kauna-unahang dokumentong pulitikal na nilagdaan ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa isyu ng South China Sea.
Kinumpirma nito aniya ang pundamental na prinsipyo at komong regulasyon ng iba’t ibang kinauukulang panig sa paghawak sa nasabing isyu.
Sinabi ni Wang, na nitong nakaraang 20 taon, sinusunod ng Tsina ang regulasyon ng DOC, at kasama ang iba’t ibang may kinalamang panig, isinusulong din ng Tsina ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon, aktibong isinasagawa ang kaukulang diyalogo at kooperasyon, at pinasusulong ang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at ASEAN.
Aniya, ipinakikita ng pagkakalagda at pagsasakatuparan ng DOC na: una, ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea ay mahalagang paunang kondisyon ng pag-unlad sa rehiyong ito; ikalawa, ang mga bansa sa rehiyon ay ang “tunay na amo” ng usapin ng paghawak sa mga isyu sa South China Sea; at ikatlo, ang modelo ng Silangang Asya ay mabisang paraan ng pangangalaga sa komong palagay.
Sinabi pa niyang sa kasalukuyan, ang daigdig ay pumasok sa panahon ng pagbabago, at hindi kalmado ang kasalukuyang situwasyon sa South China Sea.
Para mapangalagaan ang sariling hegemonya, dinaragdagan ng ilang bansa sa labas ng rehiyon ang lakas militar na siya namang sumisira sa lehitimong karapatan ng mga bansa sa rehiyong ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Wang na, dapat ipaliwanag ng Tsina at mga bansang ASEAN ang paninindigang “malugod nilang tatanggapin ang kooperasyon at pakikipagtulungan, subalit hindi nila papayagan ang anumang puwersang sisira sa nasabing kooperasyon.”
Binigyan-diin ni Wang, na patuloy at buong tatag na pangangalagaan ng dalawang panig ang prinsipyo ng DOC, para gawing dagat ng kapayapaan, pagkakaibigan, at kooperasyon ang South China Sea.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio