Sa kanyang pagdalo sa pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ipinahayag nitong Martes, Agosto 3, 2021 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na patuloy na tutupdin ng Tsina ang pangako nito sa “Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC),” igigiit ang mapayapang paglutas sa hidwaan sa pamamagitan ng pagsasanggunian at talastasan ng mga kaukulang bansa, at hindi isasagawa ang anumang unilateral na aksyong makakapagpasidhi ng kontradiksyon at makakapagpalawak ng alitan.
Nakahanda rin aniya ang Tsina na palalimin ang pragmatikong pakikipagkooperasyon sa mga kaukulang bansang ASEAN sa larangang pandagat.
Ang pagkakaroon ng Code of Conduct in the South China Sea (COC) sa lalong madaling panahon ay komong palagay ng Tsina at mga bansang ASEAN, diin pa ni Wang.
Dagdag niya, ang pulong ng matataas na opisyal ng kapuwa panig tungkol sa pagsasakatuparan ng DOC na ginanap sa Chongqing, ay muling nagpatunay sa komong mithiing pulitikal sa pagpapasulong ng pagsasanggunian.
Kahit anong hadlang ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at negatibong epektong panlabas, walang pagsubok ang nakakahadlang sa Tsina at ASEAN sa mapayapang paglutas sa kanilang hidwaan, diin pa niya.
Salin: Lito
Pulido: Rhio