Sa mensahang ipinadala ngayong araw, Hulyo 30, 2022, ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, kay Luis Enrique Manalo, Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, sinabi ni Wang, na batay sa pangangailangan ng panig Pilipino, nakahanda ang panig Tsino na magbigay ng suporta at tulong bilang pagtugon sa epekto ng magnitude-7.0 na lindol na naganap kamakailan sa Luzon.
Ipinahayag din ni Wang ang pakikidalamhati sa mga nabiktima ng lindol at pakikiramay sa kani-kanilang pamilya, pati rin sa mga nasugatan at mga apektadong mamamayang Pilipino.
Nananalig aniya siyang, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at pamahalaang Pilipino, mapapanumbalik sa lalong madaling panahon ang normal na produksyon at pamumuhay ng mga mamamayan sa nilindol na lugar.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos