Sa ika-10 Review Conference ng Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT) na idinaraos sa Punong Himpilan ng United Nations (UN) sa New York, ipinahayag Martes, Agosto 2, 2022 ni Fu Cong, Direktor ng Departamento ng Pagkontrol sa Armas ng Ministring Panlabas ng Tsina at puno ng delegasyong Tsino, na dapat tutulan ng komunidad ng daigdig ang double standards sa mga larangang may kinalaman sa nuclear non-proliferation.
Ani Fu, ang kooperasyon ng Amerika, Britanya at Australya sa paggawa ng nuclear-powered submarine ay lumalabag sa prinsipyo ng NPT at nagdudulot ng malubhang banta sa pagpapalaganap ng sandatang nuklear.
Ipinahayag ni Fu na dapat i-urong ng Amerika ang mga sandatang nuklear na itinalaga nito sa Europa at huwag ideploy ang mga sandatang nuklear sa iba pang rehiyon.
Nanawagan din siya sa mga kalahok na komprehensibong pasulungin ang mga gawain sa di-pagpapalaganap ng sandatang nuklear, disarmamento ng mga sandatang nuklear at mapayapang paggamit ng enerhiyang nuklear.
Dapat din aniyang isaalang-alang ng pamahalaang Hapones ang pagkabahala ng mga karatig bansa sa porma ng paghawak sa kontaminadong tubig mula sa Fukushima nuclear plant.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio