Ayon sa sarbey na magkasamang inilunsad ng CGTN Think Tank at Chinese Institute of Public Opinion ng Renmin University ng Tsina sa mga mamamayan ng 22 bansa, 6.31% lamang ng mga respondent ang naniniwalang mananatili bilang pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig ang Amerika.
Kabilang sa naturang 22 bansa ay Amerika, Britanya, Pransya, Alemanya, Canada, Australia, New Zealand, Hapon, Timog Korea, Singapore, at mga umuunlad na bansang gaya ng Brazil, Argentina, Mexico, Thailand, India, Pakistan, United Arab Emirates, Egypt, Nigeria, Kenya, Timog Aprika at iba pa.
Samantala, kinikilala ng karamihan sa mga respondent ang kahalagahan at ideya ng Tsina sa pangangasiwa sa bansa at pagpapalitang pandaigdig.
Sa isyu ng karapatang pantao, sinang-ayunan ng karamihan sa mga respondent na sa mula’t mula pa’y makatotohanan ang pakikitungo ng Tsina sa isyung ito.
Kaugnay naman ng paggamit ng ilang maunlad na bansa sa usapin ng karapatang pantao bilang santada, pagsasagawa ng double standard at pagsasapulitika nito, ipinalalagay ng 55.99% ng mga respondent na ang ganitong kilos ay hadlang sa pagtatamasa ng mga mamamayan ng iba’t ibang bansa ng mas malawakang kalayaan at karapatan sa buhay.
Sa impluwensiya naman ng Belt and Road Initiative (BRI), nanguna sa sarbey ang mga pagpipiliang gaya ng pagtatamasa ng bungang pangkaunlaran (53.65%), pagpapalawak ng merkadong pandaigdig (51.54%), pagpapalakas ng pagpapalitang kultural (43.01%) at pagpapabuti ng imprastruktura (44.47%).
Sa kabilang dako, 8.08% lamang ng mga respondent ang naniniwalang ang BRI ay naglalatag ng mga debt trap – isang isyung pinapalaki ng propaganda ng mga bansang kanluranin.
Samantala, ipinalalagay ng 76.23% ng mga respondent na mapapatingkad ng Tsina ang papel nito sa aspekto ng pagpapasulong sa pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig sa hinaharap.
Salin: Vera
Pulido: Rhio