Sa katatapos na ika-10 Pulong ng Pagsuri sa Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT), wala pa ring narating na komong palagay ang mga signataryong bansa hinggil sa outcome document.
Kaugnay nito, ipinahayag Agosto 29, 2022, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang panghihinayang ng Tsina hinggil dito. Pero, ipinalalagay ng Tsina na hindi ito nangangahulugan ng kabiguan ng pulong na ito.
Sinabi pa niyang iginigiit ng Tsina ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, patuloy na sundin ang iba’t ibang obligasyon ayon sa kasunduan, pangalagaan ang pandaigdigang sistema ng non-proliferation ng sandatang nuklear, at suportahan ang mga umuunlad na bansa na mapayapang gamitin ang enerhiyang nuklear.
Nakahanda ang Tsina na magsisikap, kasama ng iba’t ibang panig, para magbigay ng bagong ambag upang pasulungin ang kapayapaan, kaligtasan at kaunlaran ng buong mundo, saad ni Zhao.
Bukod dito, sinabi rin ni Zhao na buong tatag na tinututulan ng Tsina ang kooperasyon ng nuclear submarine ng Amerika, Britanya at Australia. Sa panahon ng naturang pulong, ipinalalagay ng maraming bansa, kabilang ang Tsina, na ang kooperasyong ito ay lumilikha ng malaking panganib ng pagpapalaganap ng nuklear.
Salin:Sarah
Pulido:Mac