Nahalal nitong Lunes, Setyembre 5, 2022 si Liz Truss, kasalukuyang Ministrong Panlabas ng Britanya, bilang bagong lider ng naghaharing partido na Conservative Party. Pagkaraan ng pormal na pagtatalaga ni Reynang Elizabeth II, manunungkulan siya bilang bagong punong ministro ng bansa.
Inanunsyo ng 1922 Committee, grupo ng mga mambabatas ng Conservative Party sa Mababang Kapulungan ng Britanya ang resulta ng botohan ng mga miyembro ng partido.
Ayon sa resulta, napanalunan ni Truss ang 81,326 o 57.4% ng mga boto, at tinalo ang kanyang kalabang si Rishi Sunak, dating Ministro ng Pinansya, na nakakuha ng 60,399 na boto. Bumoto ang lampas sa 140,000 miyembro ng Conservative Party.
Pagkaraang magwagi sa halalan, sinabi ni Truss na isusumite niya ang “mapangahas na plano” sa pagbabawas sa buwis at pagpapasulong sa paglago ng ekonomiya. Reresolbahin din aniya ang mga problemang gaya ng krisis ng enerhiya.
Ang 47 taong gulang na si Liz Truss ay magiging ika-3 babaeng punong ministro sa kasaysayan ng Britanya.
Salin: Vera
Pulido: Mac