Burador na desisyon tungkol sa Xinjiang, tinanggihan ng UNHRC

2022-10-07 18:18:31  CMG
Share with:

Tinanggihan kahapon, Oktubre 6, 2022, ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang burador na desisyon tungkol sa Xinjiang ng Tsina, sa pamamagitan ng pagboto sa ika-51 sesyon ng konsehong ito.

 

Sa kanyang talumpati bago ang pagboto, sinabi ni Chen Xu, Puno ng Misyon ng Tsina sa mga tanggapan ng UN sa Geneva, na ang naturang dokumentong iniharap ng Amerika at ilang iba pang bansa ay tangkang samantalahin ang organo sa karapatang pantao ng UN at mga isyung may kinalaman sa Xinjiang, para pakialaman ang mga suliraning panloob ng Tsina at pigilin ang Tsina.

 

Kaugnay ng kalagayan ng Xinjiang, sinabi ni Chen, na ang mga suliranin ng Xinjiang ay walang kinalaman sa karapatang pantao, pero may kinalaman sa paglaban sa terorismo, radikalisasyon, at separatismo.

 

Dagdag niya, sa pamamagitan ng malalaking pagsisikap, napapangalagaan ang karapatang pantao ng mga mamamayan ng iba’t ibang grupong etniko sa Xinjiang.

 

Ani Chen, nitong limang taong nakalipas, walang naganap na mga marahas o teroristikong insidente sa Xinjiang. Aniya pa, kung ihahambing sa 60 taong nakararaan, umabot sa 12 milyon mula dating 2.2 milyon ang populasyon ng mga Uygur sa Xinjiang, at ang kanilang average life expectancy ay tumaas sa 74.7 taong gulang mula dating 30.

 

Binigyang-diin ni Chen, na sa kabila ng mga katotohanang ito, ini-imbento at pinalaganap ng Amerika at ilang iba pang bansa ang kasinungalingan at tsismis, sa pagtatangkang siraang-puri ang Tsina, guluhin ang Xinjiang, at hadlangan ang pag-unlad ng Tsina.

 

Ito ay tipikal na halimbawa ng manipulasyong pampulitika at pinakamatinding paglabag sa karapatang pantao ng lahat ng mga grupong etniko sa Xinjiang, saad pa ni Chen.


Editor: Liu Kai