Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), Oktubre 16, 2022, ipinangako ni Pangulong Xi Jinping ng bansa ang patuloy na pagsusulong ng kapakanan ng mga mamamayan at pagpapataas ng kalidad ng kanilang buhay.
“Ang bansa ay ang mga mamamayan, at ang mga mamamayan ay ang bansa,” saad ni Xi.
Aniya pa, ang pagkakaloob ng benepisyo sa mga mamamayan ay pundamental na prinsipyo ng pangangasiwa, at kailangang walang humpay na magsikap ang pamahalaan para matugunan ang hangarin ng sambayanang Tsino para sa mas kaaya-ayang buhay.
Patuloy na magsisikap ang CPC para agarang maresolba ang mga kahirapan at problemang pinaka-ikinababahala ng mga mamamayan, diin niya.
Dagdag ni Xi, pabubutihin din ang saligang sistema ng pampublikong serbisyo para mapataas ang antas at mapasulong ang pagkakaroon ng mas balanse at aksesibleng pampublikong serbisyo. Lahat ito ay tungo sa pagsasakatuparan ng komong kasaganaan, paliwanag ng pangulong Tsino.
Ipinapangako aniya ng Tsina ang pagpapabuti ng sistema ng distribusyon ng kita ng bansa – ibig sabihin, pasusulungin ang pagkakapantay-pantay ng mga oportunidad para mapabuti ang buhay ng mga mamamayang may maliit na kita at mapalawak ang sektor ng mga mamamayang may katamtamang-laking kita o middle-income sector.
Pabibilisin ng Tsina ang pagtatatag ng sistema ng pabahay na nagtatampok sa iba’t ibang supplier at iba’t ibang paraan ng suporta. Sa ilalim ng sistemang ito, hihikayatin din ang pag-upa at pagbili ng mga bahay, paliwanag ni Xi.
Upang mapasulong ang Healthy China Initiative, ilulunsad ng aniya ng bansa ang sistema ng polisiya o policy system para mapataas ang birth rate, itatatag ang proaktibong pambansang estratehiya bilang tugon sa pagtanda ng populasyon, at hihikayatin ang pangangalaga at inobatibong pagdebelop ng tradisyonal na medisinang Tsino (TCM).
Salin: Jade
Pulido: Rhio