Naihalal ngayong araw, Oktubre 23, 2022, sa unang sesyong plenaryo ng Ika-20 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ang bagong liderato ng partido.
Si Xi Jinping ang muling napili bilang Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral at kabilang din sa 7 miyembro ng Pirmihang Komite ng Pulitburo ng Komite Sentral ng CPC.
Ang iba pang 6 na miyembro ay sina Li Qiang, Zhao Leji, Wang Huning, Cai Qi, Ding Xuexiang, at Li Xi.
Sa kanilang pakikipagtagpo sa mga mamamahayag na Tsino’t dayuhan makaraan ang nabanggit na sesyon, sinabi ni Xi, na sinimulan na ng Tsina ang bagong biyahe ng pagtatatag ng modernong sosyalistang bansa, para isakatuparan ang usaping ito bilang ikalawang sandaang-taong target sa taong 2049, na siya ring ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng People’s Republic of China; at pasusulungin ang pag-ahon ng nasyong Tsino sa pamamagitan ng modernisasyong may istilong Tsino.
Dagdag ni Xi, hindi magbabago ang mainam na pangmatagalang tunguhin ng kabuhayan ng bansa.
Palalalimin aniya ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas, at pasusulungin ang de-kalidad na pag-unlad, para lumikha ng mas maraming pagkakataon sa daigdig, sa pamamagitan ng sariling pag-unlad.
Ipinahayag ni Xi, na igigiit ng CPC ang ideyang “Mamamayan Muna,” at ibubuhos ang pagsisikap para isakatuparan ang hangarin ng mga mamamayan para sa mabuti at maligayang pamumuhay.
Binigyang-diin niyang palalakasin ng CPC ang sariling reporma at pahihigpitin ang pangangasiwa sa partido, para panatilihin ang kasiglahan, at maging pinaka-maaasahan at pinakamalakas na gulugod ng mga mamamayan.
Nakahanda ang Tsina, kasama ng iba’t ibang bansa ng daigdig, na itaguyod ang kapayapaan, kaunlaran, pagkakapantay-pantay, katarungan, demokrasya, at kalayaan, tungo sa mas magandang mundo, at pagtatayo ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan, saad ni Xi.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan