Mas malakas na pagkakaibigang Sino-Kambodyano, ipinanawagan ni Li Keqiang

2022-11-08 15:53:52  CMG
Share with:

Sa bisperas ng kanyang opisyal na pagdalaw sa Kambodya at pagdalo sa Serye ng mga Pulong ng mga Lider ng Kooperasyon ng Silangang Asya, ipinanawagan, Nobyembre 7, 2022 ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang pagpapalakas ng pagkakaibigang Sino-Kambodyano at mas mahigpit na kooperasyon ng Silangang Asya.

 

Bukod dito, inilabas din ni Li ang pirmadong artikulo sa mga pahayagan ng Kambodya na tulad ng Khmer Times at Jian Hua Daily.

 

Anito, ang gaganaping biyahe ay ang kanyang kauna-unahang pagdalaw sa ibayong dagat nitong nakalipas na halos 3 taon, sapul nang sumiklab ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Ito rin aniya ang kauna-unahang onsite na pagtatagpo ng mga lider ng Silangang Asya sa loob ng 2 taon.

 

Ayon kay Li, 10 beses na siyang dumalo sa Serye ng mga Pulong ng mga Lider ng Kooperasyon ng Silangang Asya, at sa panahong iyan, nakita niya ang walang humpay na pagyabong ng nakatagong lakas ng pragmatikong kooperasyon, at walang patid na pagsulong ng liberalisasyon at pasilitasyon ng kalakalan at pamumuhunan dahil sa pagpupunyagi ng Tsina at iba’t ibang bansa sa rehiyon.

 

Sa harap ng mga kahirapan at hamon, maayos na hinahawakan ng mga bansa sa rehiyon ang mga isyu at alitang pandagat, aktibong pinapasulong ang negosasyon sa Code of Conduct in the South China Sea, isinasagawa ang pragmatikong kooperasyon sa dagat, at buong sikap na ginagawang dagat ng kapayapaan, pagkakaibigan at kooperasyon ang South China Sea, dagdag ni Li.

 

Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng mga bansa sa rehiyon na kinabibilangan ng Kambodya, na magkakapit-bisig na umabante, upang likhain ang bagong landas tungo sa mas matatag na pagkakaibigan ng Tsina at Kambodya, at mas malakas na kooperasyon ng Silangang Asya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio