Tsina sa Amerika: Itigil ang paninira sa kaayusan ng pandaigdigang pamilihang pinansyal

2022-11-10 17:14:36  CMG
Share with:

Inanunsyo kamakailan ng White House ang desisyon sa patuloy na implementasyon ng pagbabawal sa pamumuhunan ng anumang kompanyang Amerikano sa mga kompanyang Tsinong may kaugnayan sa militar ng Tsina, dahil ang military-industrial complex ng Tsina ay “isang kakaiba at ekstraordinaryong panganib” sa seguridad, patakarang panlabas, at ekonomiya ng Amerika.

 

Kaugnay nito, ipinahayag Nobyembre 9, 2022, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang naturang aksyon ay malubhang nakakasira sa normal na regulasyon at kaayusan ng pamilihan.

 


Ito ay hindi lamang nakakapinsala sa lehitimong karapatan ng mga kompanyang Tsino, kundi tumatapak din sa kapakanan ng mga mamumuhunan ng buong mundo, na kinabibilangan ng mga Amerikano, saad ni Zhao.

 

Ipinahayag niya ang mariing pagtutol ng Tsina sa aksyong ito.

 

Kailangan aniyang itigil ng Amerika ang pagpinsala sa kaayusan ng pandaigdigang pamilihang pinansyal at lehitimong karapatan ng mga mamumuhunan ng buong mundo.

 

Isasagawa ng Tsina ang kinakailangang hakbangin para mapangalagaan ang lehitimong karapatan ng mga kompanyang Tsino, at suportahan ang mga ito sa pangangalaga ng kanilang sariling karapatan ayon sa batas, dagdag niya.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio