Inanunsyo Biyernes, Nobyembre 11, 2022 ng Pambansang Komisyon ng Kalusugan ng Tsina ang 20 bagong hakbangin sa ibayo pang pagpapabuti ng mga patakaran ng bansa sa pagkontrol sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kabilang sa mga bagong hakbangin ay pagpapaikli ng quarantine period sa mga malapit na kontak o close contact ng mga kumpirmadong kaso, at manlalakbay mula sa ibayong dagat.
Sinabi ni Lei Haichao, Pangalawang Puno ng naturang komisyon, na layon ng naturang mga hakbangin na mabisang pigilan ang pagkalat ng COVID-19, habang pinapaliit ang epekto nito sa kabuhaya’t lipunan at mga serbisyong pampubliko.
Sa pamamagitan ng mga hakbanging ito, mapapaikli ang epidemic response sa mga mamamayan at sonang may mas mataas na panganib sa pagkalat ng virus, habang episyenteng kinokontrol ang virus, dagdag niya.
Ayon naman kay Wang Liping, mananaliksik ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) ng Tsina, na ang nasabing mga hakbangin ay nababatay sa bagong katangian ng virus at mga datos na nakolekta sa proseso ng pagharap sa pandemiya.
Ayon sa kalagayan ng pandemiya, ibayo pang babaguhin ang mga hakbanging ito, aniya pa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio