Nobyembre 15, 2022, Bali Island, Indonesya – Sa kanyang talumpati sa Ika-17 Summit ng Group of 20 (G20), iginiit ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa iba’t ibang bansa ang prinsipyo ng pagkakaisa, pagtutulungan at pagbabahaginan para maayos na harapin ang mga hamong pandaigdig na gaya ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), heopulitikal na sagupaan, magulong pangangasiwa sa mga suliraning pandaigdig, krisis ng pagkaing-butil, at enerhiya.
Sa kasalukuyan, dapat iwaksi ng iba’t ibang bansa ang ideya ng Cold War at isulong ang prinsipyo ng paggalang sa isa’t isa at mapayapang pakikipamuhayan, diin niya.
Dapat din aniyang palalimin ng mga bansa ang kooperasyon sa pagpigil at pagkontrol sa COVID-19 para makalikha ng magandang kapaligiran ng pagbangon ng kabuhayan.
Hinimok ni Xi ang mga maunlad na bansa na kontrolin ang sariling pambansang utang at bawasan ang negatibong epekto ng patakarang pananalapi sa ibang mga bansa para mapigilan ang implasyon at bantang pinansiyal sa buong daigdig.
Nanawagan siya sa mga bansa at organisasyong pandaigdig na gumawa ng paraan upang pahupain ang presyur ng utang sa mga umuunlad na bansa.
Aniya pa, kailangang pangalagaan ang sistema ng multilateral na kalakalan kung saan ang nukleo ay Word Trade Organization (WTO), at pasulungin ang mapayapa at madaling kalakalan at pamumuhunan sa buong daigdig.
Ang pag-unlad aniya ng buong daigdig ay nakasandig sa matatag at mapayapang kapaligiran.
Hinggil dito, layon aniya ng Global Security Initiative ng Tsina na igiit ang ideyang panseguridad na magkakasama, komprehensibo, kooperatibo at sustenable, at nakatuon sa pagpapasulong ng paglutas sa mga hidwaan at sagupaan sa pamamagitan ng mapayapang paraan na gaya ng talastasan at pagsasanggunian.
Kaugnay naman ng seguridad ng pagkaing-butil at enerhiya, sinabi ni Xi na ang dahilan nito ay problema sa supply chain at hindi suplay at pangangailangan.
Dapat igarantiya ang matatag at maayos na supply chain at tutulan ang pagsasapulitika ng isyu ng enerhiya at pagkaing-butil, saad niya.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio