Nobyembre 14, 2022, Bali Island, Indonesya – Nagtagpo sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joseph Biden ng Amerika upang talakayin ang hinggil sa mga estratehikong isyu ng relasyong Sino-Amerikano at iba pang mahalagang usaping panrehiyon at pandaigdig.
Tinukoy ni Xi na ang kasalukuyang kalagayan ng relasyong Sino-Amerikano ay hindi angkop sa saligang kapakanan ng dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan.
Ito rin aniya ay hindi alinsunod sa naisin ng komunidad ng daigdig.
Kasama ni Biden, nais ni Xi na pasulungin ang pagbalik ng relasyon ng dalawang bansa sa landas ng malusog at matatag na pag-unlad.
Samantala, sinabi ni Xi na ang usapin ng Taiwan ay nukleong kapakanan ng Tsina at pundasyon ng relasyong pulitikal ng Tsina’t Amerika.
Ang usaping ito ay “pangunahing pulang linya” sa relasyon ng dalawang bansa, diin ni Xi.
Ipinahayag naman ni Biden na may responsibilidad ang Amerika at Tsina na pigilan ang pagkakaroon ng komprontasyon at sagupaan dahil sa di-pagkakaunawaan, mis-konklusyon at matinding kompetisyon.
Inulit ni Biden na iginigiit ng pamahalaang Amerikano ang patakarang isang Tsina at wala itong balak gamitin ang usapin ng Taiwan para pigilan ang pag-unlad ng Tsina.
Umaasa aniya siyang mananatiling matatag at mapayapa ang Taiwan Strait.
Sumang-ayon ang dalawang lider na panatilihin ang regular na pag-uugnayan at pagsasanggunian ng dalawang panig hinggil sa mga isyung estratehiko, pangkabuhayan at pangkalakalan.
Kaugnay nito, narating nila ang komong palagay hinggil sa pagsasagawa ng kooperasyon at diyalogo sa pagbabago ng klima, kalusugang pampubliko, agrikultura at seguridad sa pagkain.
Bukod diyan, pinalakas nila ang pagpapalawak ng pagpapalitan ng mga tauhan sa iba’t ibang larangan.
Tinalakay din nila ang isyu ng Ukraine.
Hiniling nina Xi at Biden sa mga may-kinalamang departamento ng Tsina’t Amerika na agarang isakatuparan ang mga narating na komong palagay at isagawa ang mga aktuwal na aksyon para mapanumbalik ang relasyong Sino-Amerikano sa landas ng matatag na pag-unlad.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio