Nakatakdang pagdalaw ng pangulo ng Cuba sa Tsina, bagong lakas-panulak sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa

2022-11-22 15:43:16  CMG
Share with:

Inanunsyo, Nobyembre 21, 2022 ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping, isasagawa ni Miguel Diaz-Canel Bermudez, Unang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Cuba at Pangulo ng bansa, ang dalaw-pang-estado sa Tsina, mula Nobyembre 24 hanggang 26.

 

Kaugnay nito, inihayag ni Tagapagsalita Mao Ning ng naturang ministri, na si Pangulong Díaz-Canel ay magiging unang lider mula sa mga bansa ng Latin Amerika at Caribbean na sasalubungin ng panig Tsino, makaraang idaos ang Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina.

 

Nananalig aniya siyang ang naturang pagdalaw ay magiging bagong lakas-panulak sa pag-unlad ng relasyong Sino-Cuba, at magpapasulong sa bagong pag-unlad ng tradisyonal na pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang bansa.

 

Tinukoy ni Mao na ang Cuba ay unang bansa sa Latin Amerika at Caribbean at kanlurang hemisperyo na nagtatag ng relasyong diplomatiko sa Republika ng Bayan ng Tsina.

 

Aniya, ang Tsina at Cuba ay matalik na magkaibigan, magkasama at magkapatid na may pagtitiwalaan at komong kapalaran.

 

Nitong nakalipas na 62 taon, sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, magkakapit-bisig aniyang umabante ang Tsina’t Cuba sa landas ng pagtatayo ng sosyalismong may kani-kanyang katangian.

 

Ang Tsina’t Cuba ay nagsisilbing modelo ng pagbubuklod at pagtutulungan ng mga umuunlad at sosyalistang bansa, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio