Kung kayo ay nasa Kunming, punong lunsod ng probinsyang Yunnan, Tsina, at nais ninyong bisitahin ang mga imortal, ano dapat gawin?
Una, kailangang sumakay ng bus, pangalawa, lumipat sa cable car, at pangatlo, umakyat ng halos 3 oras upang marating ang pasukan ng lugar kung saan nakatira ang mga imortal.
Noong sinaunang panahon, naniniwala ang mga Tsino na tirahan ng mga imortal ang mga liblib na lugar gaya ng gubat, mataas na bundok at malawak na katawan ng tubig.
Naniniwala rin sila na pagkain ng mga imortal ang hangin at hamog; at ang mga imortal ang may gawa ng pagbabago sa araw, buwan at mga bituin; pagpapalit-palit ng yin at yang; at mga sikreto ng kalikasan at sansinukob.
At ang Long Men o gate of dragon, na nasa west hill ng Kunming ay isa sa nasabing mga lugar na posibleng tirahan ng mga imortal.
Mahirap bang paniwalaang naitayo ang mga daanan mga 600-700 taon ang nakakaraan?
Noong panahong iyon, wala pang makinarya; palakol, piko at kamay lamang ang ginamit upang unti-unting maitatag ang lansangan sa itaas ng matarik na talampas.
Dahil medyo makitid, isang tao lamang ang puwedeng dumaan sa lagusan – ako ay 5 feet 4 inches kaya medyo mahirap maglakad at kailangang magdahan-dahan para iwas aksidente.
Narito tayo sa Long Men o pinto ng dragon at ang lawa sa harap nito ay ang 300 kilometrong kuwadradong Lawa ng Dianchi.
Ayon sa sinaunang kuwento, tuwing Tagsibol, laksa-laksang isdang karpa ang nag-tipun-tipon sa lawa mula sa iba’t ibang lugar ng Tsina para lumundag sa gate of dragon, at mga karpa na matagumpay na lumusot sa gate ay magiging dragon at lilipad sa langit.
Sa palasyong nasa paligid ng dragon’s gate, nakaupo ang tatlong tagahatol.
Sila ang tagahatol sa mga kalahok na karpa.
Hindi ko alam kung totoo ang mahiwagang seremonya ng paglundag ng mga karpa sa gate of dragon, at kung may karpa na naging dragon, pero, sana nagtagumpay sila sa kanilang mithiin.
Hanggang diyan na lamang ang biyahe natin sa gate of dragon sa west hill ng Yunnan, ingat po kayong lahat, kita-kits.
Pulido: Rhio
Video Editor: Sissi