Pangulo ng Tsina at Cuba, nag-usap: pagpapalakas ng bilateral na relasyon, napagkasunduan

2022-11-25 16:11:11  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing – Nag-usap ngayong araw, Nobyembre 25, 2022 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Miguel Diaz-Canel Bermudez, dumadalaw na Unang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Cuba at Pangulo ng bansa.

 

Sinabi ni Xi na si Pangulong Diaz-Canel ay ang kauna-unahang lider mula sa mga bansa ng Latin Amerika at Caribbean (LAC) na sinalubong ng panig Tsino, makaraang idaos ang Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).

 

Ito aniya ay nagpapakita ng espesyal at mapagkaibigang relasyon ng dalawang partido at dalawang bansa.

 

Nakahanda aniya ang Tsina, na magsikap kasama ng Cuba, upang walang humpay na palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal, palawakin ang pragmatikong kooperasyon, buong tatag na suportahan ang isa’t-isa sa mga isyung may kinalaman sa kani-kanilang nukleong interes, palakasin ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, magkakapit-bisig na umabante sa landas ng pagtatayo ng sosyalismong may kani-kanyang katangian, at walang-patid na palakasin ang relasyong Sino-Cubano sa makabagong panahon.

 

Dagdag ni Xi, ang esensya ng kooperasyon ng Tsina at LAC ay South-South Cooperation.

 

Kaugnay nito, kailangan aniyang gawing paunang kondisyon, katangian, at target ang paggagalangan, mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta, pagbubukas at pagbibigayan, at komong kaunlaran.

 

Saad pa ni Xi, mahalaga sa Tsina ang pag-unlad ng relasyon sa LAC, at nakahanda itong magpunyagi, kasama ng mga bansa ng LAC, upang malalimang pasulungin ang de-kalidad na konstruksyon ng Belt and Road Initiative (BRI), paunlarin ang magkapantay na komprehensibo’t kooperatibong partnership, isulong ang mutuwal na kapakinabangan at komong kaunlaran sa makabagong panahon, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng Tsina at LAC.

 

Ipinagdiinan naman ni Diaz-Canel na pinakamahalaga sa mga patakarang diplomatiko ng Cuba ang pag-unlad ng relasyon sa Tsina.

 

Inulit din niya ang pagsunod ng kanyang bansa sa simulaing isang Tsina, at pagsuporta sa BRI, Global Development Initiative at Global Security Initiative.

 

Handa aniya ang Cuba na pag-ibayuhin ang pakikipagkoordinahan sa Tsina sa mga multilateral na mekanismong panrehiyon at pandaigdig na gaya ng Porum ng Tsina at LAC, Group of 77 Plus Tsina, at iba pa.

 

Nais din aniyang mag-ambag ng Cuba sa pagpapasulong ng relasyon sa pagitan LAC at Tsina, at pangangalaga sa komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio