Sa kanyang pakikipagtagpo sa pamamagitan ng video link, Nobyembre 29, 2022 kay Punong Ministro Alikhan Smailov ng Kazakhstan, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na nakahandang magsikap ang kanyang bansa upang isulong ang walang humpay na pagbuti ng relasyon ng Tsina at Kazakhstan.
Chinese Premier Li Keqiang (L) meets with Kazakh Prime Minister Alikhan Smailov via video link in Beijing, China, November 29, 2022. /Xinhua
Idudulot aniya nito ang mas mabuting pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng rehiyong Asya.
Umaasa si Li na isasakatuparan ng dalawang panig ang inter-gobyernong plano ng kooperasyon ng kabuhayan at kalakalan, patuloy na patataasin ang lebel ng bilateral na kalakalan, at igagarantiya ng Kazakhstan ang matatag na suplay ng gas sa Tsina, ayon sa kontrata.
Dagdag ni Li, nakahanda ang Tsina na palawakin ang pag-aangkat ng de-kalidad na berdeng produktong agrikultural ng Kazakhstan, at galugarin ang mga bagong punto ng paglaki kaugnay ng kooperasyon sa pinansya, cross border e-commerce at iba pang larangan.
Kasama ng Kazakhstan, palalakasin ng Tsina ang pagpapalitang kultural, at patuloy na pasusulungin ang proseso ng diyalogo hinggil sa mutuwal na eksemsyon sa visa para ipagkaloob ang mas maraming kagihawaan sa mga mamamayan ng dalawang bansa, saad ni Li.
Ipinahayag naman ni Alikhan Smailov na lubos na pinahahalagahan ng Kazakhstan ang relasyon sa Tsina.
Kasabay ng ika-30 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, magsisikap aniya ang Kazakhstan para palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal; palakasin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa kabuhayan at kalakalan, enerhiya at iba pang larangan; at pabutihin ang pagpapalitan ng mga mamamayan, para pasulungin ang walang humpay na pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang panig.
Salin:Sarah
Puliudo:Rhio