Pangulong Tsino at presidente ng European Council, nag-usap

2022-12-01 16:47:07  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo kay Charles Michel, dumadalaw na Presidente ng European Council (EC) ngayong umaga, Disyembre 1, 2022, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ipinakikita ng pagdalaw na ito, pagkaraan ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ang mainam na mithiin ng Unyong Europeo (EU) sa pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina.

 

Patuloy aniyang pauunlarin ng panig Tsino ang relasyong Sino-Europeo, batay sa estratehiko’t pangmalayuang anggulo, at palalakasin ang estratehikong pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordina upang mapasulong ang matatag at pangmalayuang pag-unlad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang panig.

 


Isinalaysay rin ni Xi ang mahahalagang bunga ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng CPC at mga katangian ng modernisasyong Tsino.

 

Diin niya, ang pag-unlad ng Tsina ay pag-usbong ng puwersang pangkapayapaan sa daigdig.

 

Hindi kailanman aniya hahangarin ng Tsina ng hegemonismo at ekspansyonismo.

 

Umaasa si Xi, na magiging mahalagang katuwang ang EU sa landas ng modernisasyon ng Tsina, makakasama sa pagbabahagi ng napakalaking pagkakataong pangkaunlaran ng merkadong Tsino, at magiging katuwang ng Tsina sa sistematikong pagbubukas, at pagpapalalim ng kooperasyong pandaigdig.

 


Inihayag naman ni Michel ang pagbati sa muling pagkahalal ni Xi bilang Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC, at pakikidalamhati sa pagyao ni dating Pangulong Jiang Zemin ng bansa.

 

Handa aniya ang panig Europeo na pabutihin ang pakikipagpalitan sa panig Tsino sa susunod na yugto; bawasan ang maling pagka-unawa at maling pagtasa, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng direktang diyalogo at kooperasyon, upang mas mainam na maharap ang mga hamong pandaigdig na gaya ng krisis sa enerhiya, pagbabago ng klima, kalusugang pampubliko at iba pa.

 

Nagpalitan din ng kuru-kuro ang kapuwa panig hinggil sa krisis ng Ukraine.

 

Diin ni Xi, sinusuportahan ng Tsina ang pagpapaibayo ng EU sa medyasyon sa naturang isyu, at pagbibigay-patnubay nito sa pagbuo ng balanse, mabisa at sustenableng estrukturang panseguridad ng Europa.

 

Sa mula’t mula pa’y pumapanig sa kapayapaan ang panig Tsino, at patuloy nitong gaganapin ang konstruktibong papel sa pamamagitan ng sariling paraan, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido:Rhio