Great Hall of the People, Beijing – Nakipag-usap Lunes, Nobyembre 28, 2022 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay dumadalaw na Pangulong Ukhnaagiin Khurelsukh ng Mongolia.
Saad ni Xi, bilang magkapitbansa, ang pagpapanatili ng pangmatagalan at matatag na relasyong pangkapitbansa, pangkaibigan at pangkooperasyon ng Tsina at Mongolia ay angkop sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Handa aniya ang panig Tsino, kasama ng panig Mongolian, na gawing patnubay ang pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang bansa, pasulungin ang matatag at pangmalayuang pag-unlad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng kapuwa panig, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Diin niya, dapat palakasin ng magkabilang panig ang diyalogo at kooperasyon sa pagitan ng iba’t-ibang departamento sa iba’t-ibang antas, pasulungin ang sinerhiya ng Belt and Road Initiative at Development Road Initiative, sinerhiya ng Global Development Initiative at New Recovery Policy ng Mongolia, at sinerhiya ng estratehiya ng pag-unlad sa dalawang hakbang ng Tsina at "Vision-2050" long-term development policy ng Mongolia.
Sa pamamagitan ng nabanggit na tatlong sinerhiya, mapapatingkad ang lakas-panulak sa malalimang pag-unlad ng bilateral na relasyon, dagdag niya.
Ipinagdiinan ni Xi na bilang kapuwa umuunlad na bansa sa Asya-Pasipiko, may malawakang komong kapakanan ang Tsina at Mongolia sa mga suliraning pandagidig at panrehiyon.
Nakahanda aniya ang panig Tsino na mahigpit na makipagkoordina sa panig Mongolian, magkasamang ipagtanggol ang tunay na multilateralismo, tutulan ang komprontasyon, at pangalagaan ang pagkakaisa at pagtutulungan ng komunidad ng daigdig.
Inihayag naman ni Pangulong Khurelsukh ang kahandaang pahigpitin ang pakikipagpalitang pulitikal sa panig Tsino, buong tatag na suportahan ang isa’t-isa, igalang ang landas pangkaunlarang sarilinang pinili ng isa’t-isa, at palalimin ang pagkakaibigan na sintatag ng bakal at asero.
Binigyan din niya ng lubos na pagpapahalaga ang positibong ambag ng Tsina para sa pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng daigdig.
Handa niyang palakasin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordina sa panig Tsino sa mga suliraning pandaigdig, at ipagtanggol ang kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Inilabas ng kapuwa panig ang magkasanib na pahayag hinggil sa pagpapasulong sa komprehensibo’t estratehikong partnership sa makabagong panahon.
Magkasama ring sumaksi ang dalawang lider sa paglagda ng mga dokumento sa bilateral na kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, pamumuhunan, adwana, pagsasaayos ng desertipikasyon at iba pa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio