Nagkabisa Disyembre 5, 2022 ang utos na ipinalabas kamakailan ng Group of 7 (G7), Unyong Europeo (EU) at Australya, na naglilimita sa presyo ng krudong nagmumula sa Rusya, sa presyong USD$60 kada bariles.
Ayon sa pahayag ng G7 at Australya, layon ng naturang kapasiyahan na “pigilan ang pagtatamo ng benepisyo ng Rusya mula sa krisis ng Ukraine” at “paliitin ang negatibong epektong pangkabuhayan na dulot ng nasabing krisis.”
Samantala, sinabi ni Ursula von der Leyen, Pangulo ng Komisyon ng Europa, na ang aksyong ito ay makakabuti sa pagpapatatag ng presyo ng enerhiya sa buong mundo.
Sa kabilang dako, kinondena ng panig Ruso ang naturang kapasiyahan.
Anito, ang nasabing aksyon ay magdudulot ng panganib sa kaligtasan ng enerhiya sa Europa.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio