Sa pamamagitan ng telepono, nag-usap Linggo, Disyembre 11, 2022 sina Pangulong Vladimir Putin ng Rusya at Pangulong Recep Tayyip Erdogan ng Türkiye, para talakayin ang mga usaping gaya ng kooperasyon sa pagluluwas ng pagkaing-butil at pagtatatag ng regional gas hub sa Türkiye.
Ayon sa website ng pangulong Ruso, tinalakay ng dalawang lider ang lagay ng pagluluwas ng pagkaing-butil ng Ukraine mula sa mga puwerto ng Black Sea, at pagsuplay ng pataba at produktong agrikultural ng Rusya sa merkadong pandaigdig.
Inihayag ng kapuwa panig na kailangang pawiin ang hadlang sa pagluluwas ng Rusya sa mga may pangangailangang bansa, upang mapanatili ang kabuuan ng mga narating na kasunduan.
Diin pa nila, may espesyal na kahalagahan ang proyekto ng kooperasyon sa larangan ng natural gas, kaya patuloy silang magpapalitan ng kuru-kuro tungkol sa pagtatatag ng regional gas hub sa loob ng Türkiye.
Salin: Vera
Pulido: Rhio